Eleksyon?

by - Friday, April 02, 2010

"Eleksyon ba kamo? Dito naghahari ang kasinungalinan. Lumilitaw ang mga taong sadyang mapalinlang. Tukso ay lumalapit. Pera ang katapusan ng usapan. Panalo ang may pinakamaring pera."

Kaawa-awang ating ibang mga kababayan na habang sinusulat ang pangalan ng kanilang boto'y nakangiti't taos pusong umaasa sa mga salita at kung anu pa mang platapormang pinangako ng mga kandidato. Ngunit sa kabilang kamay naghahari ang utak na maraming planong lingid sa kaalaman ng masa. 

Kung iisipin ay nakakaawa rin ang mga taong nagpapagamit sa demonyo. Nang dahil sa pera. 'DAHIL SA PERA.' Magbabayad ng marami para lamang sila ang botohin. Gagamitin ang kanilang tauhan para subukang patayin ang kalaban. Gagawin lahat lahat
para makuha ang puwestong magpapayaman sa kanila. 

Hindi ko tinutukoy lahat. Ngunit ang iba rin ay mapipilitang maging ganyan. Kung hindi man mapalitan, pag sila ang nasa puwesto ay tiyak kong sinasabi lilitaw ang kanilang kaswapangan. Hindi ko rin sinasabi na ganun sa lahat. Ngunit kung sa kailalim-ilaliman ng iyong kaluluwa'y ninanais mong serbisyuhan ang mamamayan ay walang alinlangan ikaw ang tanging pinunong nararapat parangalan.

Isa nating mahahalimbawa ang ating yumaong Corazon Aquino sa isang magiting na pinuno. At ang isang halimbawa ng tukso at kaswapangan sa pwesto ay ang yumaong Marcos. Nuong una'y oo, gumanda ang ating ekonomiya. Nararapat siya. Ngunit nilamon siya ng kanyang kaswapangan at nagdeklara ng isang kasuklam-suklam na pangyayari ang martial law. Kayraming tao ang nawala sa dilim.

Kawawang Pilipinas na wala nang inasenso. Mga buhay na nasira. Mga kaluluwang nasusunog sa impyerno. Mga nilalapitan ng tukso. Mga pusong umiiyak.

"Pilipinas, akin lamang masasabi. Huwag magpalinlang sa pera o popularidad. Kilatasin ang kaloob-looban ng pinunong inyong bobotohin. Huwag matakot na makitilan ng sariling buhay kung ang maililigtas ay ang isang bilyong buhay."

Ngayon, nagtataka ba kayo o natatakot sa mga magnanakaw, rapist, kidnapper, drug addict, o kung anu pa man. Kung kayo'y natatakot ipapaalam ko lang kayo rin ang gumawa ng sarili niyong multo. Bakit may rapist kung ang pinuno nang ating bansa ay mahusay magpatakbo, na magagawan pa niya ng paraan na ang bawat sulok ng distrikto ng Pilipinas mapaaraw o gabi man ay laging may nagbabantay. Bakit may kidnapper o magnanakaw kung ang pinuno ay tiyak na maaasikaso ang mga buhay ng kanyang mamamayan. Isipin bakit may mga tambay na nagiinuman na kapag malala ay nakakagawa ng mga karumal dumal na krimen kung ang pinuno ng bansa ay makakausap ang bawat pinuno ng probinsya o distrikto na bigyan ng marangal na trabaho ang mga ito. Hindi ba? Hindi lamang dahilan ang pagiging tamad. Isipin kung bakit naging tamad. At higit sa lahat nagtataka ba kayo kung bakit tayo hindi umasenso, dahil ang boses nati'y hindi iisa. Lahat ay nagsisimula sa pamilya. Eh tingnan nga natin, kung mapapansin maraming mga batang kalye na tinaboy na ng kanilang magulang. Maraming mga magasawa na laging nag-aaway na minsa'y hantong na sa pagkakaroon ng maraming kabit. Mapalinlang na simula pa. Kung ang pamilya ay ganoon paano na kaya ang buong bayan! Kaya Pilipinas simulan nating muli. Tiyak ko. Mahihigitan natin ang Amerika o Europa!

-Renlay 

You May Also Like

0 comments